Napatay ng pulis sa loob mismo ng selda nitong Martes ang suspek sa pagpatay at hinihinalang paghalay sa isang batang babae sa Davao City.
Sa ulat ni John Paul Seniel ng RTV One Mindanao sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga pulis sa Talomo Police Station nang mang-agaw umano ng baril ang suspek na si Rico Jay Labao.
Pinatotohanan naman ng isang nakadetine ang ginawa umanong pagkuha ni Labao sa baril ng pulis na nauwi sa agawan hanggang sa mapatay ang suspek.
Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ng suspek at binawian ng buhay sa ospital.
Hindi naman naniniwala ang mga kaanak ni Labao na nang-agaw ito ng baril.
Handa naman daw ang hepe ng Talomo police kung maykakaroon ng imbestigasyon sa insidente.
READ: Anim na taong gulang natagpuang patay sa Davao City
Si Labao ang suspek sa pagpatay sa anim na taong gulang na si Christine Angel Laquinario, na isang linggo munang nawala bago natagpuan ang naagnas na bangkay malapit sa ilog noong Setyembre.
Nakagapos ng electric wire ang biktima at walang saplot pang-ibaba kaya hinihinalang hinalay siya.
Pero hindi na makumpirma sa awtopsiya kung ginahasa ang bata dahil naagnas na ang kaniyang katawan.
Si Labao pa ang nakapagturo kung nasaan ang biktima, at natagpuan din sa bahay ng suspek ang wire na pinaniniwalaang ginamit sa paggapos sa biktima.-- FRJ, GMA News
