Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng tatlong lalaki ang isang 75-anyos na lolo na kanilang nilooban sa Mountain Province.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nasawi ang biktimang si Ramon Sagaydoro dahil sa mga tinamong saksak sa kaniyang bahay sa Barangay Palitud, Paracelis.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nilason muna ng mga suspek ang alagang aso ng biktima bago nila nilooban ang bahay nito.
Sinabi ni Jaymark, apo ni Sagaydoro, na nagising siya nang makarinig ng komosyon sa loob ng kanilang bahay.
Nang siya'y sumilip, nakita niya ang tatlong lalaki na tila nakikipagtalo sa kaniyang lolo.
Nakita siya ng isa sa mga suspek kaya inutusan siyang ituro ang pinaglalagyan ng kanilang pera. Wala nang nagawa umano si Jaymark dahil sa takot.
Pagkaturo niya ng pinaglalagyan ng pera, dito na siya iginapos ng dalawa pang lalaki, samantalang pinagsasaksak naman ang kaniyang lolo.
Ngunit nakarating sa pulisya ang pananaksak kaya nagsagawa sila ng checkpoint sa Paracelis-Roxas, Isabela Road at namataan ang mga suspek.
Kinilala ang mga salarin na sina Ivan Banban, Jaylord Lattao at Dante Melad, na mga tinangka pang tumakas ngunit nahuli rin matapos ituro ng ilang residente.
Nabawi sa kanila ang P15,000 na sinasabing kinuha nila mula sa mga biktima.
Tumanggi silang magbigay ng pahayag. —Jamil Santos/NB, GMA News
