Nasawi ang isang 60-anyos na bilanggo sa Cavite City Police Station matapos umanong mahirapang huminga sa loob ng kaniyang kulungan.

Ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dinala pa sa ospital ang detainee na si Oscar Vale Cruz pero binawian din siya ng buhay.

Dalawang linggo pa lang nakakulong si Vale Cruz matapos siyang maaresto noong Oktubre 12 kaugnay ng iligal na droga.

Ilang araw bago siya mamatay, inilipat pa umano ng si Vale Cruz sa nakahiwalay na selda para sa mga presong may karamdaman.

Bagaman 12 preso lang ang laman ng naturang selda, kulob pa rin daw ang lugar at mainit pa rin ang singaw ng hangin.

"Ang capacity ng male natin is 30. Eh sila ay nasa 100 plus," paliwanag ni P/CInsp. Joel Palmares ng Cavite City Police.

Paniwala ng Cavite City Police, namatay si Vale Cruz hindi dahil sa kondisyon sa selda kundi dahil sadyang mahina na ang kaniyang  pangangatawan.

Ayon sa pulisya, nabanggit noon ni Vale Cruz na mayroon siyang TB.

Kinumpirma naman ng maybahay ni Vale Cruz na ilang araw nang inuubo ang kaniyang asawa.

Naniniwala rin siya na sakit ang ikinamatay ng kaniyang asawa kaya hindi na niya ipapa-autopsy pa ang labi nito.

Dagdag ng ginang, naging maayos ang pagtrato ng mga pulis sa kaniyang mister at mayroon pa raw itong sariling bentilador sa selda.

Noong mga nakaraang araw, ilan pang bilanggo sa Cavite ang namatay dahil umano sa mga siksikang kulungan.

Dalawang preso mula sa Dasmariñas City Police Station ang namatay dahil sa impeksyon ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan at dahil sa kahirapan sa paghinga.

Dalawang preso rin ang binawian ng buhay sa General Trias dahil umano sa siksikang piitan.

Ayon naman sa kay P/SSupt. William Segun, provincial director ng Cavite Police, nakikipagtulungan sila sa mga lokal na pamahalaan para matugunan ang pagkakasakit ng mga bilanggo.

Ginagawa na rin umano ang mga bagong detention facilities sa Bacoor, Dasmariñas, at Imus.-- FRJ, GMA News