Patay na at tadtad ng saksak sa katawan nang matagpuan ang isang 23-anyos na college student sa inuupahan niyang bahay sa Cebu City. Ang suspek, nadakip pero itinangging sangkot siya sa krimen.
Sa ulat ni Alan Domingo ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing Linggo ng umaga nang natagpuang naliligo sa sarili niyang dugo ang biktimang si Charie Mae Mancia, sa Barangay Tinago, Cebu City.
Sa isinagawang sa manhunt operation ng pulisya sa parehong araw, naaresto ang 24-anyos na suspek na si Emilito Pamilar Jr.
Ayon sa pulisya, may nagbigay sa kanila ng impormasyon na natutulog sa isang trak sa Zuellig Avenue sa Mandaue City ang suspek nang maaresto.
Mayroon din umanong saksi na nakakita sa suspek na lumabas mula sa tinutuluyan ni Mancia bago ito natagpuang patay.
Naligo at nagpalit pa raw ng damit ang suspek na malapit lang daw ang tinitirhan sa bahay ng biktima.
Itinanggi naman ni Pamilar na sangkot siya sa krimen at hindi raw niya kilala ang biktima.
Nitong Martes, isang kakilala umano ni Pamilar ang nagsuko sa pulisya ng cellphone na pag-aari umano ng biktima.
Ayon sa nagsauli ng cellphone na hinayaan ng mga pulis na makaalos, ibinigay daw sa kaniya ng suspek ang naturang gamit noong Linggo.
Ang ina ng suspek, hindi makapaniwala sa nangyari. Pero kung may kinalaman daw ang kaniyang anak sa krimen, dapat na umamin na lang ito.
Napag-alaman na nakulong na noon si Pamilar dahil sa paglabag sa Comelec gun ban.
Mahaharap siya ngayon sa kasong robbery with homicide.-- FRJ, GMA News
