Napatay nga mga awtoridad ang limang drug suspects sa magkahiwalay na mga operasyon sa Laguna at Cavite.
Nabaril at napatay ng mga operatiba sa San Pablo City, Laguna ang lider at dalawang miyembro ng gun-for-hire group na sangkot din umano sa bentahan ng droga.
Sa ulat ni John Consulta sa "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, sinalakay ng mga awtoridad ang isang compound sa bisa ng search warrant.
Kabilang sa mga napatay ang lider umano ng grupo na si Christopher Alain Alvero. Naaresto naman ang dalawa pa nilang kasamahan.
"Siya po [Alvero] ay pang-walo sa provincial high-value targets na nakalista sa Laguna Police Provincial Office. Malaki po ang maibabawas ng kanilang iligal na transaksyon ng droga sapagkat ito pong ating target ay isa po sa pinakamalaking distributor ng drugs dito po sa San Pablo at mga karatig na bayan," ayon kay Superintendent Eliseo Bernales, chief of police ng San Pablo City.
Bukod sa mga sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, narekober din sa sinalakay na bahay ang sangkaterbang armas at pampasabog.
Sa Sta. Rosa, Laguna naman, patay din ang isang tulak umano ng droga sa isang buy-bust operation.
Natunugan umano ng suspek na si Benjie Marabe alyas Tangkad na pulis ang ka-transaksyon kaya't nauwi sa engkwentro ang operasyon.
Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 na baril at ilang sachet ng droga.
Timbog naman sa hiwalay na operasyon ang most wanted sa Calauan, Laguna na si Denmark Validoso.
Bukod sa pagkakasangkot sa droga, suspek din umano si Validoso sa panggagahasa sa isang 6-anyos na bata.
Sa ulat naman ni Dano Tingcungco, patay rin sa General Trias, Cavite, ang kilala umanong tulak ng droga na si Alyas Bimar matapos umanong manlaban sa mga pulis.
Tinangka pa umanong tumakas ng suspek pero napuruhan siya sa engkwentro.
Nakuha mula sa kanya ang isang baril at coin purse na may lamang hinihinalang shabu.
Dalawang buwan palang umano ang nakalilipas simula nang makulong ang asawa ng suspek dahil rin sa iligal na droga.
Sa Bacarra, Ilocos Norte, isang magsasaka naman ang arestado sa buy-bust operation matapos mahulian ng hinihinalang shabu at granada.
Ayon sa mga pulis, matagal nang nasa drug watch list ang suspek na si Bryan Rumbaoa pero hindi siya sumuko sa Oplan Tokhang.
Sa Butuan City, tatlong tulak naman ng droga ang nahuli ng mga awtoridad.
Dumarayo pa raw ang mga suspek na sina Rico Quezada alyas Rico Montero, Archie Toyogon, at Randy Magpale sa lugar para sa mga iligal na transaksyon ng droga.
Aabot sa P300,000 ang halaga ng hinihinalang shabu na nasabat sa operasyon. —Dona Magsino/LBG, GMA News
