Isang construction worker ang patay matapos bugbugin at saksakin ng mga kalalakihan sa loob ng isang videoke bar na may bilyaran sa Laguna. Ang ugat daw ng gulo—babae.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa CCTV nang mangyari ang kaguluhan sa loob ng videoke bar sa San Pablo City, Laguna.

Sa video, sinabing galing sa palikuran ang biktima at nang mapadaan sa grupo ng mga suspek na nasa siyam na lalaki, sandaling nagkaroon ng komprontasyon hanggang sa mangyari na ang kaguluhan.

Nang matigil ang gulo, bumagsak ang biktima sa sahig habang nag-alisin na ang mga suspek sakay ng isang van.

Kinalaunan, natuksan na nagtamo ng saksak sa dibdib at nasawi ang biktimang si Maco Baltazar Boco, 35-anyos, isang construction worker.

Noong gabi ng Nobyember 9 umano nangyari ang krimen, at nadakip ang mga suspek pagkaraan ng ilang araw matapos na matukoy ang van na kanilang sinakyan.

Ayon sa San Pablo City police, nag-ugat ang gulo nang makita umano ng biktima na naka-"table" ang kursunada niyang babaeng "GRO" sa grupo ng mga lalaki na kumuyog sa kaniya.

"Nagkaroon po ng sagutan ang biktima at mga suspek. Nang ito (biktima) ay nanggaling sa cr, dumaan siya sa grupo ng mga nag-iinuman, at mula noon nauwi sa sagutan at saksakan ang pangyayari," sabi ni Police Superintendent Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo City Police.

Sinampahan na ng kaso ang mga suspek na hindi muna pinangalan ng pulisya. -- FRJ, GMA News