Patay ang isang magsasaka matapos pukpukin  ng bato sa ulo sa Pasuquin, Ilocos Norte, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Pinukpok umano ang biktima na si Rexie Alviar ng suspek na si Jherwin Apostol, isang construction worker, nang magkainitan ang dalawa matapos umanong magyabang ang biktima.

Tumakas ang suspek pero nadakip din naman kalaunan matapos ituro ng kanyang mga katrabaho.

Sabi ng suspek, dinepensahan niya lamang ang kanyang sarili kaya nagawa ang krimen.

"Kinuha sa box ng motor niya, kutsilyo, sir. Nung saksakin na ako, nakailag naman ako. Nakadampot lang ako ng bato, 'yun lang ang pinukpok ko," ani Apostol. —Joviland Rita/KBK, GMA News