Napatay ng isang pulis sa Narvacan, Ilocos Sur ang isang lalaking nanghabol ng itak sa nakainitan nito, at pagkatapos, siya naman ang napagbalingan ng galit nito.
Sinabi ng nakulong na pulis na nagawa lamang ang pamamaril bilang pagdepensa sa sarili.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, makikitang nakasubsob sa sahig ng tindahan at duguan ang wala nang buhay na si Aristotle Rubio, 21-anyos,
Lumalabas sa imbestigasyon na nakainitan ni Rubio ang isang Bonifacio Ciubal na nauwi sa panghahabol nito ng itak.
Na-corner si Ciubal sa tindahan kaya rumesponde naman si PO2 Edward Garces, na off-duty noon at namamalengke sa lugar.
Sinabi ni PO2 Garces na nagpakilala siya kay Rubio bilang isang pulis pero siya ang napagbuntungan nito ng galit.
"Ako na 'yung titirahin. Napa-atras ako kaya nakalabit ko 'yung baril ko," saad ni PO2 Garces.
Nagtamo si Rubio ng dalawang tama ng bala sa dibdib na ikinamatay nito.
"Eh kung sila 'yung nasa sitwasyon ko mahirap po ma'am, kasi hindi na ako maka-decision kung ano ang gagawin ko. Kasi ang gusto ko lang naman, masagip ang buhay ng tao," ayon pa kay Garces.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang nakapatay na pulis.
"Kung makikita mo 'yung store, parang maliit lang na store 'yun, mahirap na ano, wala na siyang chance... Malapitan lang 'yung biktima kaya dahil lang sa instinct siguro, nai-preserve, nag-self defense din 'yung pulis kaya pinaputukan na niya 'yung victim," sabi ni Pc. Insp. Marcelo Martinez Jr., OIC, Narvacan Police Station.
Nasa punerarya na ang mga labi ni Rubio habang hinihintay ang kaniyang mga kamag-anak na manggagaling pa sa Oriental Mindoro.
Posibleng maharap sa reklamo ang pulis, na naka-assign sa Galimuyod Police Station.
Hinihintay pa ang desisyon ng pamilya ni Rubio. —Jamil Santos/ LDF, GMA News
