Patay ang isang barangay captain sa Lipa, Batangas, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.
Ayon sa imbestigasyon, binaril si Napoleon Sambayan, kapitan ng Barangay Anilao, habang lulan ng kanyang sasakyan at binabagtas ang P. Torres Street sa Barangay Antipolo Del Norte.
Naganap ang pamamaril sa gitna ng masikip na trapiko. Agad namang tumakas lulan ng kotse patungo sa direksyon ng Padre Garcia ang suspek.
Naisugod pa sa ospital si Sambayan ngunit dineklara siyang dead on arrivial.
Ayon sa misis ni Sambayan, wala naman silang kilala na nakaaway ng kapitan. Wala rin daw itong natatanggap na pagbabanta sa buhay.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente. —Joviland Rita/KBK, GMA News
