Isang 20-anyos na dalaga ang isinugod sa ospital dahil daw sa pananakit ng dati niyang nobyo sa Ilocos Norte. Pero habang nasa emergency room, sumunod ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, naiwan pa sa braso ng biktimang si Kathleen May Rapiz ang kutsilyong ginamit sa pagsaksak sa kaniya ng suspek na si Aldrin Jay Pahinag.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dinala si Rapiz sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac, Ilocos Norte nitong Linggo dahil sa dinanas na pananakit umano mula sa suspek.
Pero habang nasa ER ang biktima, dumating ang suspek at pinagsasaksak ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa leeg at iba pang bahagi ng katawan pero nakaligtas.
Kaagad na tumakas si Pahinag matapos gawin ang pananaksak pero sumuko rin sa mga awtoridad kinalaunan.
"Nag-conduct tayo ng manhunt operation at follow-up investigation para ma-locate natin iyong suspek. and then fortunately, na 'yong suspek nga natin is nag-voluntarily surrender," ayon kay Inspector Fredwin Sernio, chief investigator, Batac Police.
Aminado naman ang suspek sa ginawang krimen at sinabing itinago niya sa isang brown envelope ang patalim para maipasok sa ospital.
Gayunman, itinanggi niya na sinaktan niya ang biktima at sa halip ay nagpatihulog daw ito mula sa sinakyan nilang motorsiklo kaya nagkaroon ng mga sugat.
Pero inamin niya na hindi niya matanggap na nag-iba ng pakikitungo sa kaniya ang biktima dahil pilit daw silang pinaghiwalay ng mga magulang ng dalaga.
"Nagsisisi po. Hindi ko naman po gustong gawin sa kaniya iyon," saad ng suspek na nagawa raw na saksakin ang biktima dahil sa mga problemang dinadaanan niya.
Mahaharap siya sa reklamong frustrated murder.-- FRJ, GMA News
