Nahuli-cam ang madiskarteng pagnanakaw ng dalawang lalaki sa isang internet shop sa Davao City, na mga nagpanggap na customer para makatangay ng isang cellphone.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV na magkasunod na pumasok ang dalawang lalaki sa shop.
Nagkunwari pa ang lalaking nakaitim na t-shirt na may kausap siya sa cellphone ngunit nagmamasid siya sa paligid.
Ang kaniya namang kasamahan, pumwesto sa gilid ng isa sa mga computer table at kunwaring naghahanap ng bakanteng estasyon, pero siya pala ang nagsilbing spotter.
Ilang saglit pa, lumabas ang suspek na nakaitim, at nang bumalik, sabay sikwat sa naiwang cellphone sa mesa.
Mabilis na lumabas ang mga suspek pagkakuha sa cellphone.
Patuloy ang paghahanap sa kanila. — Jamil Santos/MDM, GMA News
