Selos umano ang dahilan kaya sinilaban ng isang lalaki ang kaniyang mag-ina habang natutulog sa kanilang bahay sa Silay, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing dakong 3:30 am nitong Linggo nang buhusan ng 22-anyos na suspek ang kaniyang natutulog na mag-ina.

Kasunod nito ay sinilaban na niya ang mga biktima gamit ang lighter.

Nagtamo ng second degree burn ang mag-ina at isinugod sa ospital. Kusa naman umanong sumuko sa pulisya ang suspek.

Paliwanag niya, nangangaliwa umano ang kaniyang misis na matagal na nilang pinag-aawayan.

Sasampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek.-- FRJ, GMA News