Isa ang patay habang kritikal naman ang isang menor de edad matapos salpukin ng isang pampasaherong bus ang isang nasiraang van sa Quirino Highway sa Quezon.
Nangyari ang aksidente hatinggabi kagabi sa Barangay San Isidro sa bayan ng Tagkawayan.
Itinutulak sa highway ng dalawang biktima ang van nang salpukin ito ng paparating na Philtranco Bus. Sa bilis ng takbo ng bus ay hindi na nito naiwasan ang van at tuluyang nasalpok ang dalawang lalaking nagtutulak nito.
Dead on arrival sa Tagkawayan District Hospital ang isang biktima at kritikal naman ang binatilyo. Matinding pinsala sa katawan ang tinamo ng mga biktima dahil naipit ang mga ito sa pagitan ng dalawang sasakyan.
Wasak na wasak ang unahang bahagi ng bus, ganoon din ang likod ng nasalpok na van.
Galing Bicol at patungo sanamg Maynila ang Philtranco Bus.
Ang binatilyo ay inilipat na sa mas malaking pagamutan sa Naga City dahil sa hindi magandang kondisyon nito.
Hawak ngayon ng Tagkawayan Police ang driver ng bus na kinilalang si Iñigo Ballecer.
Ayon kay Iñigo, hindi raw niya nakita ang itinutulak na sasakyan dahil nasa pakurbang bahagi ito ng highway.
Hindi na raw niya nagawang umiwas dahil masasalpok niya ang kasalubong na truck na lalong mas malaking disgrasya ang idudulot. —Peewee Bacuño/KBK, GMA News
