Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police ang isang iligal na pagawaan ng "pailaw" sa Bocaue, Bulacan. Ang namamahala sa pagawaan, inabutan ng mga pulis na puno ng pulbura ang katawan.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, kinilala ang inarestong gumagawa ng pailaw na si Alejandro Roberto.

Ayon sa CIDG, nakatanggap sila ng impormasyong na may ilegal na pagawaan sa Barangay Bambang kaya isinagawa nila ang pagsalakay.

Wala umanong napakitang dokumento at mga permit si Roberto sa kaniyang pagawaan. Para raw magmukhang legal ang mga ito, may nagdadala ng mga sticker na idinidikit sa mga pailaw.

Nakuha sa operasyon ang bulto-bultong finished product ng mga pyrotechnics.

Delikado umano ang mga ginagawang pailaw ni Roberto dahil hindi sigurado ang kalidad nito. Maituturing daw na sub-standard ang mga pailaw dahil hindi sinunod sa tamang proseso ang paggawa.

Aminado naman ang suspek sa paggawa ng mga pailaw pero hindi na siya nagbigay ng iba pang pahayag.

Mahaharap si Roberto sa reklamong paglabag sa act of regulating the sale, manufacturing, distribution and use of firecrackers and pyrotechnics.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News