Arestado ang apat na kabataang drug pusher umano matapos mahulihang nagbebenta ng hinihinalang marijuana sa mga kapwa kabataan sa Antipolo City.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Lunes, nangyari ang operasyon ng Provincial Intelligence Branch at Provincial Drug Enforcement Unit ng Rizal Provincial Police dakong Linggo ng gabi.

Isang poseur buyer ang lumabas ng bahay ng mga suspek bilang senyales na natapos na ang transaksyon.

Agad na rumesponde ang pulisya at tumambad na ang halos apat na kilong marijuana sa loob ng bahay.

Arestado sa operasyon sina Daniel Joseph Bayog, ang target na pinagbilhan ng P500 halaga ng marijuana, at mga kabarkada nitong sina Cris Pian Reyes, John Kaylo Longalong, at Errol Tablac.

 

 

Ayon kay Superintendent Noel Campos, Rizal intelligence branch chief, na-monitor ng mga awtoridad ang modus ng mga suspek sa pamamagitan ng social media.

"Supposed to be ang mga parokyano nito 'yung mga kapwa nila kabataan saka 'yung mga ka-group chat nila. Hindi sila basta nagpapasok kapag hindi nila lubusan kakilala," sabi ni Campos.

Aminado naman si Bayog sa pagbebenta ng marijuana, na aniya'y apat na buwan na nilang ginagawa.

Sabi pa ni Bayog, ginagamit nila ang kita mula rito para makabili ng kanilang mga gusto tulad ng motorsiklo.

"Oo totoo, kasi gusto ko lang makuha 'yung mga gusto ko (tulad ng) mga motor," kuwento niya.

Sinegunadahan din ni Reyes ang pahayag ng kanyang kabarkada.

"Ganoon din po, sa mga kagustuhan lang din po namin kagaya po ng cellphone, motor, kung ano po hilig namin... kumarera ganu'n. Doon lang po umiikot 'yung pera," ani Reyes. —Joseph Tristan Roxas/KG, GMA News