Nasawi ang isang dating alkalde ng Parang, Maguindanao at kaniyang kapatid matapos na manlaban daw sa mga pulis sa magkahiwalay na operasyon kontra-droga. Pero giit ng kanilang mga kaanak, natutulog daw ang magkapatid nang pagbabarilin.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang mga nasawi na sina dating Parang mayor Talib Abo Sr., at kapatid niyang si Disumimba "Bobby" Abo sa Cotabato City.
Naisugod pa umano sa ospital ang magkapatid pero binawian din sila ng buhay.
Ayon sa pulisya, maghahain sana sila ng search warrant kay Talib sa bahay nito sa Gutierrez Street nang nanlaban sa mga awtoridad kaya napatay.
Noong 2006, idinawit ni noo'y Davao city mayor at kasalukuyang pangulong si Rodrigo Duterte si Talib sa kalakaran ng iligal na droga.
Bukod sa droga, may nakuha umano sa bahay ni Talib na ilang matataas na uri ng armas. May droga din daw na nakuha sa bahay ni Bobby.
Inaresto rin ang anak ni Talib na si Amy na may nakita rin umanong mga armas at hinihinalang droga sa kaniyang bahay.
Wala namang nahanap sa bahay ng isa pang anak ni Talib na si Councilor Amelia Abo.
Giit naman ng mga kaanak ng magkapatid na nasawi, hindi sila nanlaban at tulog daw ang mga ito nang pagbabarilin ng mga pulis.
Humihingi sila ng tulong sa National Bureau of Investigation at sa Commission on Human Rights para maimbestigahan ang pangyayari.--FRJ, GMA News
