Isa ang patay habang 12 ang arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra-droga sa lalawigan ng Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nauwi sa engkwentro ang isang buy-bust operation sa General Trias City.
Patay ang target ng mga operatiba na si Marlon Saquilayan alyas "Andak" matapos umano itong bumunot ng baril at kumaripas ng takbo nang makatunog na pulis ang ka-transaksyon.
Naghagis pa umano ng granada si Andak pero hindi ito sumabog, ayon sa mga awtoridad.
Nasawi umano ang suspek sa kalagitnaan ng pakikipagpalitan ng putok sa mga pulis.
Nakuha sa kaniya ang isang kalibre .38 na baril, marked money, at ilang sachet ng hinihinalang shabu.
May kinalaman din daw ang suspek sa ilang serye ng pagpatay sa probinsya.
Ayon sa mga pulis, walo pang sangkot din sa bentahan ng iligal na droga ang naaresto matapos ang engkwentro kay Andak.
Walong gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P50,000 naman ang nakuha sa kanila.
Sa Dasmariñas City, apat naman ang arestado nang salakayin ng mga operatiba ang isang drug den.
Kinilala ang mga suspek na sina Gerardo Dario, Ronnel Candaba, Mark Louie Perez, at Jessie Movido.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, isa sa apat ay presong kalalaya lamang, may kapatid ng pulis, may pinsan ng barangay captain, at kaanak ng militar.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naarestong suspek. —Dona Magsino/LBG, GMA News
