Sugatan ang isang bata sa Barangay Inayawan, Cebu City matapos saksakin ng kaniyang ama na naingayan daw sa kaniya.
Ayon sa ulat sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, ikinuwento ng 10-anyos na biktima na humingi siya ng pagkain sa kaniyang ama pero naingayan at nairita raw ito sa kaniya.
Humantong ang init ng ulo ng ama sa pananaksak sa bata.
Nagtamo ng sugat sa dibdib ang biktima.
Hawak na ng mga pulis ang suspek at itinanggi nito ang paratang.
Nasa mabuting kalagayan na ang bata na nakiusap pa umano sa mga pulis na huwag nang ikulong ang kanyang ama. —Dona Magsino/NB, GMA News
