Dalawang grupo ng kabataan ang nakunan sa video na nagrambulan sa Davao City. Sa video, makikita na mayroong mga sangkot sa gulo na armado ng improvised handgun o sumpak.
Sa ulat ni RGil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nangyari ang kaguluhan sa covered court ng Barangay Centro Agdao sa Davao City.
Hindi pa tiyak sa ngayon kung may mga nasaktan sa gulo pero nakilala na raw ng mga awtoridad ang mga sangkot sa rambulan.
"We will be sending invitation to those involved young offenders," sabi ng punong barangay na si Rene Estorpe.
Sabi pa ng pamunuan ng barangay, mga dayo ang karaniwang nagsisimula ng gulo sa kanilang lugar.
Mas pinaigting na raw ng mga awtoridad ang pagpapatrolya sa lugar na madalas daw na mangyari ang rambulan.
"Yung mga oras kung kailan nagra-riot sila, nilagyan na natin ng police visibility sa lugar. nakuha na rin natin ang mga pangalan nila. may mga minor at may mga legal age na," ayon kay Police Chief Inspector Mmichael Uyanguren, hepe ng Sta. Ana Police. -- FRJ, GMA News
