Patay ang isang lalaking sakay ng bisikleta nang masalpok siya ng isang motorsiklo sa Davao City. Ang biktima, bigla raw tumawid sa highway.

Sa ulat ni RGil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jose Dalisay, 50-anyos, na nabagok umano sa semento ang ulo.

Sinubukan pa siyang iligtas ng mga rumespondeng tauhan ng Central 911 pero binawian din siya ng buhay.

Isinugod naman sa ospital ang nakabanggaan niyang rider na si Kevin Solilap dahil sa tinamong sugat bunga ng banggaan na naganap sa Barangay Binugao, Toril District.

Kapwa papunta umano sa trabaho ang dalawa nang mangyari ang insidente.

"Sa initial na investigation, ang bike biglang na lang tumawid sa highway. And then yung motorcycle, galing doon sa barangay Sirawan at papunta sa may Aboitiz plant kasi supervisor siya doon," ayon kay SPO2 Celso Halasan, traffic investigator ng Toril Police

"Ang rider medyo mabilis ang takbo, tapos noong tumawid bigla yung biktima, nabangga niya," dagdag niya.

Wala pang pahayag sa ngayon ang rider na patuloy na ginagamot sa ospital pero mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property, ayon sa pulisya.-- FRJ, GMA News