Nabiktima ng budol-budol gang ang 75-anyos na lola sa bayan ng San Quintin sa lalawigan ng Pangasinan at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanya.
Sa ulat ng Unang Balaita nitong Biyernes ng umaga, kinilala ang biktima sa si Norma Perpuse, 75.
Kuwento ng biktima, tatlong nagpakilalang product endorser ang nagpunta sa kanilang bahay.
Nakunan pa ng CCTV ang pagdating ng mga ito. Mula pa umano sila sa isang kumpanya na binilhan niya ng isang safety device.
Sinabi umano ng mga salarin na ire-refund nila ang pera ng lola.
Nanghingi sila ng resibo hanggang sa makita at hiramin ang mga alahas ni Perpuse at isasailalim umano nila sa isang laser procedure.
"Baka may inano sa 'kin kung bakit sunod-sunuran ako sabi ko pagod na kong maghanap ng resibo mahusay silang magsalita kaya naging sunod-sunuran ako," pahayag ng biktima.
Ibinigay ni Perpuse ang mga alahas. Pinasama pa nga niya ang kasambahay para bantayan ang paglabas sa mga ito.
"Inutusan po ako na bumili ng tubig e paglingon ko tumakbo po sila yun lang po gamit yung motor po," pahayag ng kasambahay na si Miriam Lafuente.
Nagkakahalaga umano ng mahigit P200,000 ang natangay na alahas.
"Please naman maawa kayo pakisauli yung mga gamit ko at hindi ko kayo kakasuhan pinaghirapan ko yun hindi na ako makakabili ng ganun maawa naman kayo," pakiusap ng biktima.
Pinaghahanap ng mga pulis ang mga salarin. —LBG, GMA News