Patay ang isang rider nang mabangga ang isang jeep at aksidenteng pumutok ang dala niyang baril na tumama sa kaniya sa Jaro, Iloilo.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabi ng pulisya, na sakay ng kaniyang motorsiklo ang 42-anyos na biktimang si Michael Tabuada nang bigla niyang mabangga ang sinusundang owner-type jeep.

Nang matumba, nakalabit daw ng biktima ang dala niyang baril at tinamaan siya sa kaniyang tiyan.

Isinugod sa ospital si Tabuada pero namatay rin kalaunan.

Samantala, nasawi naman ang rider na si Larry Domingo nang bumangga siya sa trailer truck sa Cauayan City, Isabela.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na si Edito Lacorte. --FRJ, GMA News