Patay ang dalawa umanong tulak ng droga sa magkahiwalay na operasyon ng mga pulis sa Bulacan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Sa Meycauayan, patay sa engkwentro ang suspek na si Norberto Ligon alyas ‘Totoy’ na naka-transaksyon ng mga pulis nitong Lunes ng gabi.

“Marami nang reklamo sa kanya. Involved din daw siya sa mga akyat bahay. Nagtutulak din daw siya ng rugby sa mga kabataan bukod sa shabu,” sabi ng hepe ng Meycauayan Police na si Superintendent Aquino Alivar.

Dahil dito, nagkasa ang mga pulis ng operasyon laban kay Ligon sa Barangay Lawa.

Sa transaksyon, nakahalata raw si Ligon na pulis ang kanyang kausap kaya bumunot at nagpaputok ito ng baril.

Naunahan siya ng mga pulis na kanya namang ikinasawi.

Nakuha mula kay Ligon ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, isang sachet ng hinihinalang marijuana, at isang kalibre 38.

Samantala sa Barangay Calantipay sa Baliwag, patay din ang isang tulak umano ng droga na kasama sa drug watch list. Kinilala ang suspek na si Ariel Bunag alyas Mata.

“Noong nagkaroon na ng transaction at palitan ng droga, nagkaroon po ng pre-arranged signal at nagsindi po ang poseur buyer sa kanyang sigarilyo at yun na po ang hudyat na papunta na ang mga back up para hulihin,” sabi ng Bulacan – Philippine National Police Provincial Director na si Senior Superintendent Chito Bersaluna.

Pero bigla raw bumunot ng baril sa kanyang sling bag ang suspek at pinaputukan ang paparating na mga pulis na gumanti rin ng putok.

Nakatakas naman ang isa niyang kasama sakay ng motorsiklo.

Nakuha mula kay Bunag ang 10 gramo ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38. — Joviland Rita/RSJ, GMA News