Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang panadero sa kamay ng kaniyang kaibigan sa Bohol matapos siyang pugutan dahil lang sa hinala na siya ang kumuha ng nawawalang cellphone ng salarin.


Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Ruben Miasco ng Loay, Bohol.

Tumakas pero nahuli rin kinalaunan ang suspek na si Elmar Cahagas, na kaibigan pa man din ng biktima.

Pinagbintangan umano ni Cahagas si Miasco na kumuha ng nawawala niyang cellphone kaya tinaga niya ito at pinugutan.

Nagsisisi raw ang suspek sa kaniyang ginawa pero desidido ang pamilya ng biktima na ituloy ang kaso.

Sa hiwalay na ulat ng GMA news "Saksi," sinabing nangyari ang pamamaslang kay Miasco sa unang kaarawan pa naman ng anak nito.

Sabi naman ng pulisya, dati nang nasangkot sa pagdo-droga ang suspek. --FRJ, GMA News