Onsehan sa droga ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad sa nahuli-cam na pag-ambush sa Tanauan, Batangas na ikinasawi ng magtiyuhin. Pero hindi naniniwala rito ang mga asawa ng mga biktima at sinabing P350,000 ang perang tinangay sa kanila ng mga salarin.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Rhandel Javier Rivera at tiyuhin niyang si Robby Mar Perez.
Nagtamo naman ng maliit na sugat ang asawa ni Perez.
Dead on the spot si Rivera na nagmamaneho ng kotse na kanilang sinasakyan nang tambangan sila ng mga salarin na nakasakay naman sa van sa kahabaan ng Tanauan-Talisay Provincial road sa Tanauan, Batangas noong Miyerkules ng hapon.
Katabi naman ni Rivera sa harapan si Perez na pumanaw sa ospital.
Sa kuha ng CCTV, makikita na ginitgit ng mga salarin ang sasakyan ng mga biktima at pinaputukan ang nagmamanehong si Rivera.
Ayon sa misis ni Rivera, bago ang pamamaril ay may isang sasakyan na nauuna sa kanila na ayaw silang makapag-overtake hanggang sa gitgitin sila ng van ng mga salarin at paputukan.
Nang tamaan ang kaniyang mister, napapunta sila sa kabilang bahagi ng kalsada hanggang sa tumigil na ang kanilang sasakyan.
Sa kuha ng CCTV, makikita naman na tumabi sa kabilang bahagi ng highway ang van ng mga salarin at lumabas ang apat na lalaki at lumapit sa mga biktima. Muling pinaputukan ng mga ito ang mga sakay ng kotse at may kinuhang bag na may laman umanong pera bago tumakas.
Ayon sa mga asawa ng mga biktima, may titingnan silang sasakyan at nagkakahalaga ng P350,000 ang dala nilang pera na kinuha ng mga salarin.
Dagdag niya, walo silang lahat sa sasakyan na kinabibilangan ng apat na bata na pawang hindi naman nasugatan matapos nilang koberan.
Sa police report ng PNP-Region 4-A, nasa drugs watchlist nila ang dalawang napatay na biktima. Ito umano ang isa sa mga motibo na tinitingnan ng mga awtoridad sa nangyaring ambush.
Sinabi ni Senior Police Officer 1 Rhaldie Manzanilla, duty investigator, Tanauan City Police, kadalasan umanong onsehan ang dahilan ng patayan ng mga sangkot sa droga.
Pero mariing itinanggi ng mga asawa ng mga biktima ang alegasyon.
"Bakit laging ganun ang iniisyu nila kapag mayroon silang case na 'di nila naso-solve. Kailangan ba laging ganun yung gagawin nilang involvement nung namamatay?," tanong ng isa sa mga ginang. --FRJ, GMA News
