Nauwi sa malagim na krimen ang pag-aaway umano ng magkapatid sa ulam na tuyo sa  Tanjay City, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na napatay sa taga ni Roldan Isona ang kapatid niyang si Genero.

Sa imbestigasyon, nagalit umano ang suspek sa kaniyang kapatid nang hindi siya tirhan ng ulam na tuyo.

Paliwanag naman ng kanilang ama, may tuyo pa naman daw na natira pero hindi na naluto.

Bukod sa lasing umano at gutom noon ang suspek nang mangyari ang krimen, dati na raw may galit si Roldan sa kaniyang kapatid.

Kaagad na naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong homicide.

Desidido naman ang pamilya na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa suspek na hindi nagbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News