Isang pulis ang nasawi, habang kritikal ang isa pa matapos silang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Cotabato City. Pero ilang saglit lang matapos ang krimen, may nangyaring panibagong insidente ng pamamaril na 'di kalayuan sa lugar.


Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang dalawang pulis na biktima na sina Police Officer 1 Jolaice Guiamad at PO1 Ali Mama.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Maguindanao ang dalawa at pauwi na sana sa Cotabato City nang bigla silang pagbabarilin ng mga salarin sa madilim na bahagi ng Yap Sy Street.

Nasawi si Mama, habang kritikal naman si Guiamad.

Ilang sandali matapos ang pamamaril sa dalawang pulis, pinagbabaril naman ng mga lalaking nakamotorsiklo ang tatlong lalaki na galing sa sabungan.

Nasawi ang security guard na si Johnny Quinto, habang kritikal ang kasama niyang si Marlon Tamagos, at nakaligtas ang isa pa.

Kuwento ng nakaligtas, pilit umanong nag-o-overtake sa kanila ang mga suspek na nakamotorsiklo. Nang hindi raw makalusot ang mga ito, pinagbabaril na ang mga biktima.

Hinala ng mga awtoridad na ang mga bumaril sa mga pulis at ang bumaril sa mga lalaki na galing sa sabungan ay iisa.

"There's a big possibility na the same suspects 'yung nag-execute nu'ng sa pangalawang insidente," ayon kay Senior Superintendent Michael Lebanan, City Police Director, Cotabato City.

Pero hinala ni Lebanan, hindi talaga target ng mga salarin ang grupo ng mga lalaking galing sa sabungan at nagkataon lang na nadaanan sila ng mga ito habang patakas.

Iniimbestigahan pa ang motibo sa pamamaril at pinag-aaralan ang posibilidad na urban assassination ang nangyari sa mga pulis.-- FRJ, GMA News