Napalitan ng pighati ang masayang pagdalo ng isang 19-anyos na babae sa isang party nang halayin siya ng dalawang lalaki sa Sarrat, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing pauwi na galing sa birthday party ang biktima nang dalhin siya ng dalawang suspek sa isang kubo at doon umano ginahasa.

Ayon sa pulisya, magkasama ang tatlo sa pag-iinuman sa party.

Nakasigaw umano ang biktima kaya narespondehan ng mga awtoridad kay nasagip ang babae at naaresto ang mga suspek.

"Nakita nga nating 'tong babae na umiiyak at nakahandusay po dun sa lugar," ayon sa Chief Inspector Roldan Suitos ng Sarrat Police.

Arestado ang mga suspek na sina Leo Casabay at Jeriel Ramos. May nakuha rin umanong hinihinalang shabu at marijuana ang isa sa mga suspek.

Mariin namang itinanggi ng dalawa ang mga paratang laban sa kanila.

Bukod sa kasong rape, mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. -- FRJ, GMA News