Sinugod ng mga awtoridad ang isang construction site sa loob ng isang compound sa Santa Rosa, Laguna para madakip ang lalaking sangkot umano sa ilang kaso ng pagpatay.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Sonny Boy Tipan alyas "Jay-R," na number 3 most wanted umano sa Calauan at number 4 most wanted sa Santa Rosa.

"Multiple times sa abdomen area ang pagsaksak niya at ang isa pang similar dito. Sa loob ng bahay pa niya pinapatay ang mga biktima," sabi ni Police Superintendent Eugene Orate, hepe ng Santa Rosa police.

"Nakapag-commit na naman siya ng murder incident sa Barangay Sinalhan kaya nu'ng mangyari ito, kinasa na rin namin ang police operation," dagda ng opisyal.

Kilala raw na gumagamit ng droga si Tipan at maaaring ito raw ang isa sa mga dahilan kaya niya nagagawa ang krimen.

Giit naman ng suspek: "Nag-ano na po ang paningin ko po, sa sobrang galit ko nakukuha ako ng kutsilyo. Siya lang ang nauna kaya lumaban lang po ako."

Samantala, naharang at naaresto naman ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) Region 3 ang number 4 regional most wanted na si Ronald Parulan habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Sangkot daw si Parulan sa iba't ibang kaso ng carnapping at robbery hold-up.

"Magaling magtago, may pagkapalos siya...Ang trabaho natin ay bigyan ng hustisya ang mga naging biktima," sabi ni Police Senior Superintendent Kirby John Kraft, hepe ng HPG-Region 3.

Hindi na nagbigay ng pahayag si Parulan.

Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang kapatid niya na may warrant of arrest dahil sa kaso ring carnapping.-- FRJ, GMA News