Isang lalaking guro ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa sa Minglanilla, Cebu. Paliwanag umano ng suspek sa mga pulis, lagi raw delayed ang kanilang sahod kaya napilitan siyang magtulak ng droga.

Sa ulat ni Chona Carreon ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Neler Tagpuno Jr., alyas Sir Nel, na naaresto sa kaniyang tinitirhang bahay sa isang subdivision sa Barangay Lipata.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na may nagbebenta sa lugar ng droga na tinatawag na "Sir Nel."

Tumagal umano ng dalawang buwan ang isinagawang pagmamanman ng mga awtoridad kay Tagpuno. Nang isagawa ang operasyon, positibong nakabili sa suspek ang kanilang kasabwat.

Nakuha umano kay Tagpuno ang maliliit na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P15,000.

Hindi nagbigay ng pahayag si Tagpuno pero sinabi umano nito sa pulisya na nagbebenta siya ng ilegal na droga dahil palagi raw delayed ang suweldo nito.

Napag-alaman na 2006 nang nagsimulang magturo si Tagpuno, at kasalukuyang guro sa elementarya sa isang pampublikong paaralan sa Cebu City. --FRJ, GMA News