Nadakip na ang lalaking nahuli-cam na namaril pero nagmintis sa isang negosyante sa Lucena, Quezon. Ang suspek na aminadong gumagamit ng droga at ikinanta na may nag-utos sa kaniya na patayin ang biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang naarestong suspek na si Adrian Rendiza, na nagtago sa bayan ng Gumaca.
Sa video na ipinalabas sa "24 Oras" noong Huwebes, makikita si Rendiza nakatayo sa labas ng tindahan ng biktimang si Marites Peñamora.
Maya-maya lang, binunot na niya ang baril at pinaputukan ang nakatalikod na biktima. Sa isa pang video, makikita na tila hinipan ang buhok ni Peñamora dahil sa putok ng baril.
Bagaman hindi tinamaan si Peñamora, nadamay naman ang kostumer na si Melanie Relloque, na tinamaan ng bala sa tiyan, na patuloy pa ring nagpapagaling sa ospital.
Inamin ni Rendiza na target niyang patamaan sa ulo si Peñamora dahil sa utos sa kaniya na patayin ito.
Gipit daw siya sa pera kaya niya tinanggap ang naturang trabaho.
Nakita sa isang bakanteng lote ang suot na hooded sweater na sinuot ng suspek nang isagawa ang pamamaril. Narekober din ang kaniyang caliber .38 na baril sa isang pusher na pinagbentahan daw niya kapalit ng droga.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang iba pang kasabwat ni Rendiza at ang nag-utos na patayin ang biktima.-- FRJ, GMA News
