Nagsimula bilang pamasko sa mga pasahero, inaraw-araw na ng isang jeepney driver sa Santo Tomas, Batangas ang pag-aalok ng libreng sakay sa mga senior citizens, PWDs, buntis at honor students bilang tanda ng kaniyang pagtulong sa kanila.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang driver na si Mang Jose Como na talagang naghahatid ng good vibes sa mga pasahero.

"Nag-start po ako November 2018. Unang-una, ano kaya ang puwede kong maibigay na Pamasko sa aking mga pasahero? 'Yun, du'n nagsimula. So noong nakita ko ang feedback sa aking mga pasahero, naisip ko, bakit ko pa ititigil ang isang bagay na alam kong nakakatulong sa kapwa?" sabi ni Mang Jose.

Makikita sa jeep ni Mang Jose ang mga katagang "No money, no problem" at "free fare 100%" sa mga paskil.

Hindi lang 'yan, dahil may dagdag ding kategorya araw-araw sa libreng sakay ni Mang Jose.

Mayroon ding free fare day sa mga teacher, OFWs at single parents.

Kung kaya proud ang anak ni Mang Jose na si Justin Carl Como sa kaniya.

"Masaya po ako at proud kay papa," saad ni Justin.

Nakasuporta rin ang mga kamag-anak ni Mang Jose sa kawanggawa niya.

"Nu'ng malaman po namin siyempre po proud kami kasi mahirap din po 'yung buhay ngayon. Nakakatulong po 'yon sa ibang tao," Ann Marie Sarad, hipag ni Mang Jose.

Masaya pa rin ang naturang tsuper kahit mas maliit ngayon ang kaniyang kinikita simula nang magbigay ng libreng pasahe.

"Seven to eight hours nasa kalsada ako. Aking kaligayahan na nakakatulong ako sa kapwa ko. Ito na ang pangarap kong magawa habang kaya kong tumulong sa kapwa." —Jamil Santos/LBG, GMA News