Pinag-iingat ngayon ang publiko sa lalawigan ng Camarines Sur dahil sa sunod-sunod na insidente ng tangkang pagdukot sa mga bata. Sa bayan ng Baao noong Biyernes, isang 11-anyos na lalaking Grade 5 ang naging pinakahuli umanong biktima.
Isinalaysay sa GMA News ng bata ang pangyayari. Aniya, papasok na siya at ilang metro na lang ang layo sa gate ng kanyang paaralan ng bigla umano siyang akbayan ng isang lalaki sabay bigay sa kanya ng baso na may lamang shake o ice scramble.
Muntik na raw nyang kunin ang shake pero napansin niyang may hawak na panyo ang lalaki sa kabilang kamay at akmang itatakip raw sa kanya. Napansin niya ring may dalawa pang lalaki na nakasunod dito.
Agad daw siyang pumiglas at tumakbo hanggang sa makapasok sa loob ng eskwelahan. Dito na siya nagsumbong sa kanyang guro.
Ayon sa adviser ng bata, takot na takot raw ang kanyang estudyante habang nagsusumbong. Agad naman silang nagtungo sa Baao Police upang ipa-blotter ang insidente.
Nakausap rin ng GMA News ang ilang nagtitinda sa labas ng paaralan.
Ayon kay Aling Leticia, may nakita raw siyang tatlong lalaking aali-aligid at kakaiba ang kilos at pasilip-silip sa loob ng paaralan. Maya-maya raw ay agad umalis ang mga ito.
Sinabi naman ng isang nagngangalang Aling Corazon, napansin niya ang pagdaan ng isang puti na van. Sira raw ang harapan ng sasakyan at bukas ang windshield nito sa likod. Ganito raw kasi ang pagsasalarawan ng sasakyang tinutukoy sa social media na van na nangunguha raw ng mga bata.
Iniimbestigahan na nga Baao Police ang pangyayari at pinaalalahanan ang mga magulang na huwag pabayaan ang kanilang mga anak.
Mas mabuti raw na ihatid-sundo ang mga bata sa paaralan at bahay. May mga cctv videos na rin umanong silang kasalukuyang sinisilip na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon. —LBG, GMA News
