Patay ang isang tulak umano ng droga matapos mauwi sa engkwentro ang ikinasang buy-bust operation ng mga pulis sa Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, napatay ng mga operatiba ang nanlaban daw na target na si Noel Bola alyas Totong Aso.

Nakuha sa kaniya ang isang .45 kalibre ng baril, ilang pakete ng hinihinalang shabu, at marked money.

Ayon sa pulisya, notoryus ding suspek sa pangho-holdap ang suspek. Nambibiktima umano ng mga empleyado ng mall at call center si Bola.

"Last year, February 2018, meron po siyang nabiktima na hinablutan niya ng bag sa isang pampasaherong jeepney. Ang kawawang babaeng biktima ay nabagok sa kalsada at naghantong sa kanyang pagkamatay," ayon kay Police Lieutenant Colonel Eugene Oratem, hepe ng Sta. Rosa City Police.

Isa pang tulak umano ng droga na rumaraket bilang "professional hitman" ang naaresto sa hiwalay na operasyon kontra-droga sa naturang lungsod.

Timbog ang suspek na si Joel Logares na subject din ng dalawang warrant para sa kasong murder sa Oriental Mindoro.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya. — Dona Magsino/BM, GMA News