Tatlong suspek sa pagtangay ng isang taxi ang napatay matapos makipagbarilan umano sa mga pulis sa Antipolo City, Rizal, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.
Kuwento ng taxi driver, pinara siya ng isa sa mga suspek habang sinundan naman siya ng mga kasamahan nito.
"Pagdating ko doon sa may sabungan may pumara sa akin. Isinakay ko. May sumunod sa akin, nakita ko may sumunod, mabilis ang takbo. Maya-maya binundol ng konti yung puwitan ko. Huminto ako," sabi ng taxi driver.
"Yun, may bumaba na tumutok sa akin ng baril."
Agad namang nagsumbong ang driver sa pulis.
"Nagkaroon ng checkpoint. It so happened na dumaan nga yung kinomander nilang taxi, nitong grupo na ito," ani Police Colonel Joel Evangelista, director ng Philippine National Police Region 4A.
"Nilagpasan nila yung checkpoint at sila ay nagpaputok doon sa checkpoint," dagdag pa niya.
Isa sa tatlong suspek ay kinilalang si Rammil Escio alyas Ronron na sangkot daw sa carnapping, iligal na droga at gun for hire.
"Sinasabi ng ating tropa na responsible din sa shooting incidents dito sa Antipolo," ani Evangelista.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang handguns at isang shotgun. —KBK, GMA News
