Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang tatlong "persons of interest" sa nangyaring karumal-dumal na krimen sa Lapu-Lapu City, Cebu kung saan pinatay at tinalupan ang mukha ng 16-anyos na babae.  Kaugnay nito, may alok na P100,000 pabuya ang lokal na pamahalaan para madakip ang mga salarin.

Sa panayam ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabi ni Lapu-Lapu City Police Office director Police Colonel Limuel Obon, na naniniwala siya na ang tatlong "persons of interest" ang nasa likod ng pagpatay kay Christine Lee Silawan, ang dalagitang kolektor ng mga handog sa simbahan.

“Meron po tayong persons of interest. And we believe na ito talaga ang may kagagawan, we are pursuing actually three persons of interest,” sabi ni Obon.

Taliwas sa mga naunang ulat, maaring hindi raw ginahasa ang biktima batay sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng dalagita.

Nang matagpuan ang bangkay ng biktima, nakitang nagtamo ito ng mga saksak at walang saplot pang-ibaba kaya hinihinalang pinagsamantalahan si Silawan.

“Wala kasing latest na lacerations sa kaniyang genitals,” sabi ni Obon sa resulta ng awtopsiya.

Patuloy niya, posibleng pinaslang ang biktima bandang 10 p.m. hanggang 2 p.m., na sumasang-ayon umano sa kuwento ng mga residente na nakarinig sila ng mga umaandar na motor dakong 1:50 a.m. ng Lunes.

Tumanggi na muna si Obon,  na magbigay pa ng ibang detalye tungkol sa mga person of interest at motibo sa krimen dahil tinutugis pa nila ang mga ito.

Pero aminado ang opisyal na "hindi ordinaryo” ang nangyaring karumal-dumal na pagpatay.

Una rito, sinabi ng ina ng biktima na si aling Lourdes, na umalis ng bahay nila ang dalagita para maglingkod sa kanilang simbahan. Pagdating ng gabi, ipinagtataka niya na hindi pa umuuwi ang kaniyang anak.

“Hindi naman siya lakwatsera. Umuuwi agad, diretso sa bahay galing sa eskwela. Hindi siya dumadaan pa kung saan. Nagtaka na lang ako kagabi, galing siyang simbahan, hindi na nakauwi,” sabi niya sa ulat ni Darlene Cay sa "QRT."

Nakasama pa raw ni Ryan Uba, isang sakrtistan, si Silawan noong gabing nawala ito. Habang kumakain daw sila ng balut, iniwan daw niya sandali si Silawan para umihi.  Pero pagbalik niya, wala na doon ang kaniyang kaibigan.

Hawak ngayon ng pulis ang isang testigo raw sa krimen, na siyang nagsabing kinuha raw ng tatlong lalaki ang bag at cellphone ng biktima.-- FRJ, GMA News