Isang 17-anyos na tindera ang ginahasa at pinagpupukpok pa ng bato at bote ng lalaking bigla na lang pumasok sa isang tindahan sa Cebu City, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Agad namang nahuli ang suspek na kinilalang si Praim Fructoso, 26, isang construction worker, na umamin sa krimen at sinabing nagawa niya ito dahil sa impluwensiya ng droga.

Huli sa CCTV video ang pagpasok ni Fructoso sa tindahan at pagkaladkad nito sa biktima.

"Umupo ako sa lalagyan ng pera sa cashier. Nagulat na lang ako na bigla siyang pumasok," saad ng biktima.

"Sisigaw sana ako pero dinala na niya ako papuntang CR," dagdag pa niya.

Matapos gahasain at saktan ang biktima, tinangay din ng suspek ang P10,000 pera sa tindahan.

Sinampahan ng reklamong robbery at rape ang suspek, na humingi ng tawad sa biktima. —KBK, GMA News