Patay ang isang estudyanteng kadete ng Reserve Officers' Training Corps (ROTC) matapos siyang hatawin ng tubo sa ulo ng kaniya umanong kumander. Pero itinanggi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na kumander ng ROTC ang suspek.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing duguan at wala nang buhay nang matagpuan sa palikuran ng dormitoryo ang biktimang si Willy Amihoy, 23-anyos, at first year student sa Iloilo State of College of Fisheries.
Kinilala naman ang suspek na si Elmer Decilao, 22-anyos na umano'y ROTC Corps commander ng biktima.
Nakatakda sanang magmartsa si Amihoy sa Abril 3 sa kursong education.
"Madami sa social media na nag-text sa kaniya na pinagbibintangan siyang may kinuhang gamit sa [suspek]," sabi ni Police Officer 3 Ronald Domines, imbestigador ng Dumangas MPS.
Lumabas sa imbestigasyon na dinala ni Decilao si Amihoy sa dormitoryo para kausapin, at doon nangyari ang pamamalo ng suspek ng bakal na tubo sa ulo ng biktima.
Kinaladkad pa ng suspek ang biktima sa kusina, tinangkang takpan ng plywood, saka isinalampak at iniwan sa banyo.
Kaagad namang naaresto ang suspek pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
Desisido ang mga kaanak ng biktima na kasuhan si Decilao.
"Siyempre, magulang ako, kahit nga lamok, tapos ganu'n lang, parang 'di ko na kaya," sabi ni Nene Amihoy, nanay ng biktima.
Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang krimen, at hinikayat ang gobyerno na hayaang gumulong ang batas para sa kaparusahan ng salarin.
Nasa kamay na ng pulisya si Decilao.
Nilinaw naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo, na hindi ROTC Corps. Commander si Decilao.
Ayon pa kay Arevalo, kumbinsido siyang walang kinalaman sa ROTC ang krimen, at hindi nangyari ang krimen sa isang ROTC training environment.
Para kay Arevalo, ang pag-uugnay ng pagpatay sa ROTC program ay maituturing "distortion of facts" ng mga grupong gustong sirain ang ROTC program at ang reputasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isinaad pa ng AFP na makatutulong ang ROTC para maitanim sa kabataan ang nasyonalismo at pagiging makabayan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
