Sa harap ng pagluluksa, may apela sa netizens ang pamilya ni Christine Lee Silawan, ang 16-anyos na dalagitang pinatay at tinalupan ang mukha sa Lapu-lapu City, Cebu, na itigil ang pagpapakalat ng larawan ng biktima nang matagpuan at mga "meme" na ginagawang katatawanan ang kaniyang sinapit.

Sa ulat ni Louane Mae Rondina ng RTV-Balitang Bisdak sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, inihayag ng mga kaanak ng biktima na tila pang-iinsulto sa alaala ni Christine ang mga kamakalat ng larawan ng dalagita at memes tungkol sa kaniyang sinapit.

"Sa mga nagkakalat ng memes at sa litrato ng kapatid ko, sana tigilan na nila. Kung may nakita kayong mga nag- share, nag-post, i-report niyo na agad kasi hindi magandang tingnan," pakiusap ni Lousiline Silawan, ate ng biktima.

May mga nagkakalat pa umano ng fake news, tulad ng nagsasabing naaresto na ang tatlong suspek.

Pero paglilinaw ni Lapu-lapu City Police Office Chief Police Colonel Limuel Obon, patuloy pa nilang tinutugis ang mga suspek.

Sa ngayon, umabot na sa P1.6 milyon ang reward money ng lokal na pamahalaan, pulisya at mga pribadong indibidwal, na ibibigay sa makapagtuturo kung nasaan ang mga salarin.-- FRJ, GMA News