Hinangaan ng netizens ang isang Pinay na nagligtas sa isang dayuhang turista na muntik nang malunod sa Boracay.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, nag-viral online ang video sa ginawang pagsagip ng Pinay sa dayuhan.
Ayon sa uploader ng video, naliligo sila sa dagat nang may marinig silang humihingi ng tulong.
Kuwento naman ng biktima, natumba siya habang nagpa-paddle board at tumama sa board ang kaniyang ulo.
Wala umanong naka-duty na lifeguard nang mangyari ang insidente kaya hindi na nag-atubili ang Pinay na iligtas ang biktima, na nasa maayos nang kalagayan.-- FRJ, GMA News
