Patay sa buy-bust operation ang isang lalaking tulak umano ng droga sa San Pablo City sa Laguna matapos manlaban sa mga awtoridad.
Ayon sa ulat sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV nitong Linggo, nauwi sa madugong engkwentro ang operasyon dahil nahalata ng suspek na si Jeffrey Cado na pulis ang katransaksyon niya.
Bumunot at nagpaputok daw ng baril ang suspek pero agad na nakaganti ang mga operatiba.
Isinugod sa ospital si Cado pero binawian din ng buhay.
Samantala, timbog naman sa hiwalay na operasyon kontra-droga sa Dinalupihan, Bataan ang isang mag-asawang tulak umano ng droga.
Hinuli ang mga suspek na sina Joseph at Angelita Espino matapos silang mabilhan ng iligal na droga ng mga operatiba.
Nakuha sa kanila ang 13 pakete ng hinihinalang shabu.
Mahaharap ang mag-asawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Dona Magsino/LBG, GMA News
