Tatlong lalaki ang inireklamo ng panggagahasa ng isang 16-anyos na babae sa Bacolod City. Ang isang suspek, nobyo pa man din ng biktima na nakilala ng dalagita sa social media.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nag-inuman ang apat bago mangyari ang panghahalay.
Nagsumbong ang dalagita sa pulisya at inilahad ang pang-aabusong ginawa sa kaniya ng tatlong lalaki.
Una raw siyang ginahasa ng kasintahang si Leonito Aspero na nakilala niya sa social media.
Sumunod naman umano siyang pinagsamantalahan ng kainumang si Reymark Canete at isa pang lalaking menor de edad.
Giit ng mga naarestong suspek, hindi nila maalala ang insidente dahil sa sobrang kalasingan.
Isinailalim na sa medical exam ang biktima para masampahan ng kaso sina Aspero at Canete. Nasa kustodiya naman ng social development center ang menor de edad na suspek.-- FRJ, GMA News
