Isang lalaking nagpanggap na doktor at isang kasamahan nito ang arestado sa isang entrapment operation sa Vintar, Ilocos Norte, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Rodrigo Caniaveral Jr at kasabwat na si Arnel Valdez matapos silang isuplong sa pulis ng pamilya ng kanila umanong biktima.

Ayon sa pamilya, nanghingi ng P800,000 si Caniaveral para gamutin ang isang babaeng paralisado.

Humingi rin daw ang suspek ng P35,000 bilang down payment para sa mga gamot na walang label.

Isang kaibigan ng pasyente ang nagsabi na dati na siyang naloko ng pekeng doktor, dahilan upang magsumbong ang pamilya ng babae sa mga pulis.

Ayon sa mga pulis, may ipinakita pang PRC ID ang suspek.

"Meron kasing pumunta sa opisina natin na nagrereklamo na iyong mga gamot na binigay sa kanila ay parang kaduda-duda dahil walang mga label tsaka yung mga liquid parang mineral din kaya pina-test nila kaya nalaman na di naman totoo," ani Major Joseph Baltazar, hepe ng Vintar Police.

Itinanggi ni Caniaveral ang mga paratang sa kanya bagama't inamin niyang isa lamang siyang "reflexologist" na may kaalaman sa paggamot ng mga na-stroke, may highblood at matataas na acid.

Ayon sa mga pulis, dati nang nasangkot si Caniaveral sa pagbebenta ng pekeng gold bars.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong estafa at paglabas sa Medical Act of 1959. —KBK, GMA News