Huli sa CCTV ang panloloob ng dalawang binatilyo sa isang simbahan sa Nabua, Camarines Sur, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Makikita sa kuha ng CCTV ang mga binatilyo na nasa labas ng Holy Cross Parish madaling araw noong Lunes.

Tinitignan ng isa sa kanila kung nakabukas ang pinto ng simbahan at sinisipat kung may tao sa loob.

Nabuksan nila ang isang gate at pinasok ang simbahan kung saan ginalugad nila ang isang kuwarto at hinalughog ang mga cabinet.

Matapos pasukin ang simbahan, tila hindi pa nakunteto ang mga binalyo, nilooban din nila ang katabing eskuwelahan kung saan natangay naman nila ang ilang paninda at P1,000 kita ng isang canteen.

“Dumating ako noon 4 am to 4:15 a.m., tapos nakita ko na wala na yung dalawang jalousie dyan sa bintana namin at bukas na yung gate at bukas na yung  pinto,” kwento ng may-ari ng canteen.

Sa tulong ng CCTV footage sa simbahan, namukhaan ang dalawang salarin na kapwa 16-anyos. Hinuli sila sa isinagawang followup operation.

“Agad-agad ding nag-conduct ng followup operation ang mga pulis at na-apprehend sila at itinurnover sa DSWD (Department of Social Welfare and Development),” pahayag ni Police Corporal Marlon Gallarte ng Nabua Police Public Information Office.

Ayon kay Gallarte, umamin ang mga suspek  sa pagnanakaw. —Joviland Rita/LBG, GMA News