Naunsiyami ang pagtakas ng isang inmate sa General Mariano Alvarez sa Cavite matapos sumakit ang kanyang paa nang siya ay lumundag mula sa bakod na pader ng jail facility.

Kinilala sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes ang inmate na si Ruther Evangelista Bato, na nakakulong dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Batay sa ulat, katatapos lang ng morning routine ng mga inmate nang pasimpleng lumayo at lumundag ng bakod si Bato.

Sa kasamaang palad, bumagsak si Bato sa isang madulas at padausdos na lupa, dahilan upang masaktan siya.

Agad na nahuli si Bato ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology. —KBK, GMA News