Isang tanod ang nasawi matapos siyang barilin ng isang 84-anyos na lolo na inawat umano sa pagbi-videoke dahil sa maingay sa Talisay Ciy, Cebu. Pero depensa ng suspek, sinugod at binugbog siya ng biktima.
Sa ulat ni Chona Carreon ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang naarestong suspek na si Wenceslao Vallejo, 84-anyos.
Nasawi naman sa isang tama ng bala ng baril sa puson ang tanod na si Henry Cañedo, 45-anyos, ng Barangay Biasong.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinita at pinatigil ni Cañedo sa pagbi-videoke si Vallejo dahil nagdudulot ito ng ingay.
Nagalit daw ang matanda at binaril ang tanod.
Namamaga naman ang mukha ng matanda dahil binugbog umano siya ng tanod.
"Binaril ang tanod noong sinita niya ang matanda doon kasi maingay raw ang videoke," sabi ni Police Officer 3 Glenn Besande, chief investigator ng Talisay City Police.
Paliwanag naman ng matanda, nakainom si Cañedo nang magpunta sa kaniyang bahay at sinaktan siya. Hindi rin daw sa kaniya ang baril na pumutok nang mag-agawan sila.
"Pumasok siya, pati anak. Dumiteso, nambugbog, sinangga ko. Noong sinangga ko, nakalapit ko yung baril. Hindi ko alam kung saan tumama, sa katawan daw," sabi ng suspek.
Mahaharap si Vallejo sa reklamong illegal possession of firearms at frustrated murder. -- FRJ, GMA News
