Labing-limang pulis sa Region 12, kasama ang hepe ng General Santos City Police Office, ang inalis sa puwesto dahil sa umano’y P400 million investment scam na tinawag na "Police Paluwagan Movement."
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing maraming pulis ang naingganyong mag-invest dahil sa malaki umanong tubo o interes.
Pero wala umanong pera na bumalik sa mga biktima na karamihan ay mga pulis sa General Santos City.
"Complaint nila is iyong ipinangako sa kanila ay hindi natupad. The return of investment or interest as the case may be," sabi ni Atty. Regner Peneza, NBI-SARGEN.
Ayon kay Shiela Agustin na tagakolekta umano ng pera, nagkalabo-labo ang sistema dahil may ilang police official umano na hindi naman nag-invest pero kumukuha ng interes.
Dahil dito, umalis daw siya at ibinigay ang P400 milyon na nakolekta nila kay GenSan Police Director Raul Supiter, na isa raw sa mga pasimuno ng naturang investment scam.
"Sir Supiter, ginamit mo ako para makakolekta ang mga tao mo ng pera. Pangalan ko ang inyong ginagamit," hinanakit ni Agustin.
Pero itinanggi ni Supiter ang alegasyon at hinamon na magsampa ng pormal na reklamo laban sa kaniya.
"Dapat magkaroon ng complaint na talagang verified, formal. Para masagot din nang formal," anang opisyal. "Anybody could do that. Harassing anybody rin. Kung may galit siya, isasama niya roon."
Isa si Supiter sa tatlong opisyal ng Police Regional Office 12 na pinasibak sa puwesto ng Department of Interior and Local Government dahil sa pagkakasangkot sa naturang investment scam.
Kasama ring inalis sina Police Senior Superintendent Manuel Lukban Jr., at P/Supt. Henry Biñas.
Inutusan na rin ang CIDG para imbestigahan ang scam.
Nangako naman si Police Brigadier General Eliseo Tam Rasco, Regional Director, PNP-Region 12, na pananagutin ang mga nasa likod ng scam.--Joviland Rita/FRJ, GMA News
