Patay ang isang 5-anyos na bata sa Lapu-Lapu City sa Cebu matapos kumain ng pufferfish o isdang butete na niluto ng kaniyang ina.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA "Saksi" nitong Miyerkules, nakaligo at nakapaglaro pa raw sa dagat ang biktima matapos mag-almusal pero kalaunan ay nahilo at nagsuka.
Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital. Nakaranas din ng kaparehong sintomas ang kaniyang limang kapatid na nagpapagaling ngayon.
Sabi ng ina ng mga biktima, dati na silang kumakain ng butete.
Ayon sa isang eksperto, may taglay na Tetrodotoxin ang mga pufferfish na nakalalason sa mga kumakain nito.
Sa pagsusuri naman ng duktor, malnourished at may pneumonia rin ang ilan sa magkakapatid.
Mula 2010 hanggang 2013, anim ang napabalitang namatay sa bansa dahil sa pagkain ng butete. Lahat nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, at pagsusuka.
Ipinagbabawal ng Department of Health at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pagkain ng pufferfish dahil sa taglay nitong lason.--Dona Magsino/FRJ, GMA News
