Nabalot ng tensyon ang isang ospital nang umakyat ang isang lalaki sa bubungan matapos na tangayin ang bagong silang na anak nila ng kaniyang misis sa Dumaguete City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes,  makikita sa kuha ng cellphone video ang lalaki na palakad-lakad, biglang tatakbo, at saka kumakaway mula sa bubong ng ospital habang bitbit ang sanggol.

Agad nabahala ang mga tao kaya inakyat na siya ng ilang residente at guwardiya sa ospital.

Tumakbo at umiwas siya palayo nang makita ang mga rumeresponde kaya lalong natakot ang mga tao.

Mistulang nakipagpatintero pa ang lalaki sa kanila hanggang sa tuluyan siyang mahuli at nasagip ang sanggol.

Tinangay daw ng suspek ang sanggol nang sumama ang loob niya dahil inakala niyang patay na ito matapos makitang malungkot ang kaniyang asawa.

Napag-alamang may problema din sa pag-iisip ang lalaki kaya hindi na pina-blotter sa pulisya ang insidente.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News