Hindi naging hadlang ang kahirapan sa isang dating kasambahay na naging mananahi upang abutin ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Chona Carreon ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing magtatapos bilang magna cum laude si Grace Bacus, 30-anyos, ng Campo 4 sa Talisay City.

Pangatlo sa siyam na magkakapatid si Bacus, at nahinto sa pag-aaral nang magtapos sa high school dahil hindi na kayang tustusan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang kolehiyo.

Driver ng pampublikong sasakyan ang kaniyang ama, habang dating street sweeper naman ang kaniyang ina.

Upang makatulong sa pamilya, napilitan si Bacus na pumasok na kasambahay at yaya noong 16-anyos siya. Kinalaunan, nag-aral siya ng dressmaking sa TESDA hanggang sa natututo na siyang manahi.

Noong 2015, nag-enroll siya sa Talisay City College bilang scholar.

Dahil sa kaniyang determinasyon at kagustuhan na mahango sa kahirapan ang mga kapatid, sa darating na Abril 8 ay magatatapos na siya at plano niyang mag-review para sa board exam at magturo.

"Ang age at kahirapan hindi hadlang para hindi mag-succeed. You just need determination. Hindi ako naniniwala na hanggang talino lang, without determination and perseverance, useless lang," sabi niya. -- FRJ, GMA News